Read Ebook: Hiwaga ng Pagibig by Nanong Balbino B
Font size:
Background color:
Text color:
Add to tbrJar First Page Next Page Prev Page
Ebook has 1180 lines and 35335 words, and 24 pages
Sa tabi ng bintana ay madalas mapatigil ang kanyang pagbuburda na malayo ang titig at waring may malalim na iniisip.
Noo'y isang masayang umaga.
Walang anoano'y isang autong "Buick" ang huminto sa tapat ng kanilang bahay. Ang autong ito ay galing sa Maynila. Sino ang lalaking sakay? Ang kasintahan kaya ni Leoning? Si Eduardo kaya? Kaya't matamang pinagmasdan ni Leoning ang sakay samantalang umiibis sa sasakyan.
Nguni't ang hinalang yaon ni Leoning ay nabigo. Yao'y isang lalaking matanda na: ang kapatid ng ali ni Leoning, si mang Alejandro.
--Tuloy po kayo--ang pagdaka ay nawika ni Leoning--Bah! si mang Andoy--at tuloy tinawag ni Leoning si aling Rita, na, noo'y na sa silid ng tahanan at nagaayosayos ng ilang mga damit na tahiin.
--Aba, si Andoy--ang boong galak na nawika ni aling Rita--ano kumusta ang dalawang bata na ipinadala ko sa iyo? Kumusta sila roon?
--Mabuti naman sa awa ng Diyos--ang sagot ng kausap--pinapagaaral ko sila sa "Tondo Primary School" na siyang pinakamalapit na eskuelahan sa bahay.
--Di mabuti kung gayon.
--At pasa sa Maynila ako? Di kung gayon ay ipagsasama ko na pati ang batang ito--sabay turo kay Leoning--pagka't wala iyang kasama rito.
--Mangyari pa.
--Nguni't anong magagawa niyan doon Alejandro, ay sa narito ang kanyang pinagkakakitaan: ang manahi at magburda ng damit.
--Ah, at marunong ba siya?
--Oh! tingnan mo ang kanyang mga gawa--at ipinakita noon ang niyayaring burda ni Leoning.
--Sa Maynila ay malaking higit sa rito ang makikita ng batang iyan. Oo, ipagsama na natin, ?bakit hindi mo agad ibinalita sa akin, di sana'y nakasahod na iyan ng malakilaki? Oo, ako ang bahala, ipapasok ko agad siya sa pagawaan riyan sa Maynila.
--Kung gayon ang lahat ay maaari.
Anong galak ang tinamo ni Leonora! Oh Maynila! Gayon na lamang ang pagkatuwa niya dahilan sa sasapiting walang pagsala ang pook ng aliw ... ang Maynila! Sasapiting walang pagsala ang laging napapangarap--ang kinalalagyan ng kanyang irog: ni Eduardo.
Anong ligaya nga naman ng gayon sa puso ni Leoning! Nananariwang tulad ng sampagitang humahalimuyak ang naging malulungkutin niyang kalooban pagka't makikita niyang walang pagsala si Eduardo.
Ang lahat ay wala ng pagkaurong. Ang mga daladalahan nina Leoning at aling Rita ay handa ng lahat. Ang lahat ay ayos na.
Kay palad na pusong magkakaisang bayan at di na paris ng dating ang kanilang pagkakalayo ay napapagitanan ng malalawak na kaparangan, matatarik na bundok at mahahabang tanawin!
Sa tapat ng isa sa mga restaurant sa daang Juan Luna, sa pook ng Tundo, ay nagsilunsad mula sa isang auto ang tatlong binata at doo'y nagsitungga ng serbesa. Sila ay sina Jose, Pako at Eduardo.
Sa harap ng isang mesa ay maligaya silang nagsisipagusap:
--Pako, bakit mo nakilala ang dalagang yaon?
--Kilala ko siya, nguni't hindi ko lamang kabatian. Hindi ko pati nalalaman kung ano ang kanyang pangalan.
--Kailan mo pa siya nakita?
--Hindi na marahil ngayon kukulangin sa isang buwan.
--Eduardo--ang sabad naman ni Jose--tila may ibig sabihin ang mga pagkikita ninyong yaon. Hindi ba?
--Iyan ang dalagang sinabi ko sa iyo kaninang tayo ay magkausap sa tabi ng dagat.
--Ah! iyan ba?--at kinamayan ang kausap ng boong galak--Sadyang may suerte ka kaibigan.
--Ah, Eduardo--ang sambot naman ni Pako--sadyang ang ganda lamang ng dalagang yaon ay sukat na. Buhat pa ng unang makita ko siya dito sa Maynila ay lubos na akong humanga sa kanyang pagkamabining kumilos. Talagang may suerte ka nga naman kaibigan.
--Nguni't ako'y walang malay na siya ay naririto.
--Kung nalaman ko ba lamang agad--ang--tugon ni Pako--naibalita ko agad sa iyo.
--Sana nga; sayang na sayang.
--Bakit naman siya naparito sa Maynila?
--Iyan nga ang di ko maalaman.
--Pako, hindi mo ba alam kung saan nakatira?
--Ang matandang may-ari ng kanyang kinatitirahan ay kilala sa tawag na Don Alejandro. Siya ay isang mayamang sa Tundo.
--At, sa akala mo kaya ay talagang mariwasa?
--Sa palagay ko, sukat na ang sa kanyang kilos ay makilala. Ang autong kihalululanan ng binibining ating nakita ay pagaari niya bukod pa sa ang matandang yaon ay madalas kong makitang kasama ng mga matataas na taong nabibilang sa mga lalong kilalang lipunan na kadalasan ay mga kilalang abogado at kinatawang bayan.
--Nguni't sa akala mo naman kaya ay di tayo kaabaan na makayapak sa kanilang tahanan?
--Nasa iyo iyan kaibigan.
--Kabatian ko ang binibini, isa pa ay tunay ko siyang kababayan. Marahil ay hindi naman tayo mahihiya.
--Kung gayon ay may pagasa tayong makapanhik; nguni't aywan ko lamang ... hindi ko pa rin lubhang natataho ang kaugalian ng matanda.
--Kung gayon ay anong mabuting paraan upang sila ay ating makatagpo ngayon?
--Tumungo tayo sa amin--ang anyaya ni Pako sa dalawa.
At makatapos makapagbayad ay nagtindigan na sila at nagsisakay na pamuli sa auto.
Sumapit sila sa tahanan nina Pako, sa may Liwasang Moriones, Tundo. At, palad! gayon na lamang ang pagkagalak ni Eduardo pagka't ang tahanang yaon ay katapat ng tahanang kinatitirahan ng kanyang irog: ni Leoning.
--Pako, at tapat pala nitong inyo ang kanila?
--Oo, malasin mo ang ganda ng pagkakaayos ng tahanang iyan.
--Oo, nga kay ganda!
At bagama't hindi pa napapanhik ni Eduardo ang kinatitirahang yaon ni Leoning ay gayon na lamang ang kanyang paghanga sa pagkakaayos.
Add to tbrJar First Page Next Page Prev Page